-- Advertisements --

Dapat mayruong managot sa pagkakapasok ng 36 Chinese nationals bilang miyembro ng Philippine Coast Guard Auxiliary.

Ito ang inihayag ni House Deputy Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre kasunod ng pagkakabunyag na may mga Chinese ang nakapasok sa PCG.

Ayon kay Acidre hindi maituturing na “honest mistake” ang pagtanggap sa mga Chinese at ang kanilang presensiya ay maituturing na malisyoso at seryosong banta sa national security ng bansa.

Sinabi ni Acidre nais niyang malaman kung bakit nakapasok sa PCG ang mga Chinese bilang auxiliary at sino ang nagpahintulot dito.

Ikinalugod naman ng Kongresista ang pagkakatanggal sa 36 Chinese PCG Auxiliary.

Inihayag ni Acidre na tila “double whammy” ito dahil ang mga Chinese na miyembro ng Auxiliary force ay nagsusuot ng uniporme ng ahensiya na nagpo protekta sa West Philippine Sea.

Dahil sa nasabing isyu, hinimok ni Acidre ang PCG at iba pang ahensiya ng gobyerno na maging mabusisi sa pagkuha ng mga nire recruit at kinukuhang mga volunteer.

Una ng kinumpirma ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan na kanila ng tinanggal sa listahan ang 36 Chinese nationals na bahagi ng kanilang auxiliary force.