Hinimok ni Sen. Bong Go ang Government Service Insurance System (GSIS) na tulungan ang mga miyembro nito sa gitna nang umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

Makakatulong aniya ang GSIS sa sitwasyon ng kanilang mga miyembro kung pansamantalang i-waive muna ang multa sa mga hindi makakapagbayad ng kanilang remittances ngayon, i-release nang maaga ang pensyon, at payagang makakuha ng emergency loans dahil sa epekto ng COVID-19.

“Kung maaari ay bigyan ng palugit ang pagbabayad ng contributions. Huwag na munang maningil ng penalties. Dahil sa community quarantine, maraming finance units ng mga ahensiya ng gobyerno ang nahihirapang gumalaw ngayon. Tulungan natin silang maibsan ang kanilang mga problema,” ani Go, na chairman ng Senate Committee on Health and Demography.

Sinabi ng senador na personal na niyang nakausap si GSIS president and general manager Rolando Macasaet patungkol dito, at nagsabing handang tulungan ang mga nangangailangan.

“Macasaet confirmed that they are ready to release pensions earlier and they will not penalize agencies which might be late with their remittances. For emergency loans, pinag-aaralan na nila nang mabuti paano gawin, pero may pondo naman,” dagdag pa nito.