-- Advertisements --

Pumalag si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa pahayag ni Pangulong Rodirog Duterte kamakailan hinggil sa pagdadala nito ng ilang sako ng pera para sa mga kandidato ng ruling PDP-Laban sa 2022 elections.

Kinuwestiyon din ni Zarate kung saan kukunin ni Duterte ang pinagmamayabang nitong ilang sakong pera, para matiyak na manalo ang mga kandidato ng PDP-Laban.

Kapuna-puna aniya ito lalo pa at makailang beses nang sinasabi ni Duterte na wala nang pera ang kanyang administrasyon para magamit naman sa ayuda ng mga naghihirap nang Pilipino dahil sa COVID-19.

Pahaging pa ni Zarate, ang executive department, kung saan si Duterte ang head, ang siyang may kontrol sa malaking halaga ng pera sa ilalim ng kanyang department.