Pinagsabihan ni House Committee on Transportation chairman Romeo Acop ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB dahil sa atrasado at mabagal na pamamahagi ng “fuel subsidy” para sa public utility drivers o Pantawid Pasada Program.
Sa pagdinig ng komite, iniulat ng LTFRB na-disburse o naipamahagi na ang subsidiya para sa halos 197,000 na PUV drivers, mula sa 280,000.
Pero sinabi ni Rep. Acop na batay sa rekord nasa 41.5% pa lang ang nadi-disburse mula sa 2023 budget.
Sinabi ng beteranong mambabatas na 2024 na ngayon at may panibago ring alokasyon na nagkakahalaga ng P2.4 billion.
Dismayado si Acop sa galaw ng LTFRB, at kaniyang sinabi na kung ganito kabagal mag-utilize ang LTFRB ay walang mangyayari.
Tiniyak ni Acop na uungkatin niya ito sa 2024 budget hearing para sa LTFRB.
Tugon ni Asec. Jesus Gonzales ng Department of Transportation, may kondisyon na nakasaad sa 2023 General Appropriations Act, kung saan ilalabas ang fuel subsidy kapag ang presyo ng “Dubai crude oil” ay sumampa ng 80 US dollars kada bariles para sa “average” na 3-buwan at nangyari ito noong Hunyo, Hulyo at Agosto ng nakalipas na taon.
Habang Setyembre 2023 na noong inilabas ng Department of Budget and Management o DBM ang Special Allotment Release Order o SARO at dito, na-transfer ang P3 billion na pondo sa LTFRB.
Paliwanag naman ni James Evangelista ng DBM, sa rekord ay “fully released” na ang 2023 budget para sa fuel subsidy at para sa 2024, nai-release na rin ang P2.5 billion.