
Todo depensa ngayon si Solicitor General Menardo Guevarra sa hirit ng office of the solicitor general na i-deny ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng ICC Office of the Prosecutor (OTP) na muling ipagpatuloy ang imbestigasyon sa madugong drug war ng nakaraang administrasyon sa pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Guevarra na wala raw jurisdiction ang international court sa sitwasyon dito sa Pilipinas.
Sa isang statement, sinabi ni Guevarra na ang kanyang opisina na nagrerepresenta sa Pilipinas sa proceedings ay nagsumite ng kanilang “observation” kahapon sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands.
Kaugnay pa rin ito sa hiling na muling buksan ng ICC-OTP ang imbestigasyon sa drug war.
Hiniling din umano ng Pilipinas sa pre-trial chamber (PTC) ng ICC na i-deny ang request ng OTP na muling ipagpatuloy ang imbestigasyon sa umano’y crimes against humanity dahil sa “war on drugs” sa pagitan ng buwan ng Hulyo noong 2016 hanggang Marso ng 2019.
Kabilang na rito ang Davao Region sa pagitan noong November 2011 hanggang June 2016.
Iginiit ni Guevarra na ang sinasabing pagpatay na naganap sa naturang mga period ay hindi naman magko-constitute bilang crimes against humanity dahil hindi naman daw maituturing na pag-atake ang naturang mga patayan laban sa civilian population.
Ang naturang kaganapan din umano ay hindi polisiya ng pamahalaan.
Binigyang diin din ng pamahalaan na ang reklamong inihain sa ICC ay iniimbestigahan na.
Nakalakip din umano sa report ang progress sa imbestigasyon.
Una rito, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na tila naliligaw na ang imbestigasyon dahil sa kakulangan ng mga testigo na dapat ay magbibigay ng linaw sa mga drug war cases.
Binigyang diin din ni Remulla na nagbibigay naman ang gobyerno ng institutional measures para maresolba at maiwasang mangyari ang extra-judicial killings maging sa mga nagdaang administrasyon.
Ipinaliwanag pa ni Remulla na mula nang mabuo ang Inter-Agency Committee (IAC) on extra-legal killings noong 2012 sa ilalim ng Aquino administration ay nireresolba na ang 295 extra-legal killings at karamihan dito ay kinasasangkutan ng lawless groups.
Pero dahil na rin sa kawalan ng mga testigo ay bumabagal ang pag-usad ng mga kaso.
Sa mga criminal cases namang kinasasangkutan ng mga uniformed personnel sinabi ni Remulla na ang mga kaso ay tuloy-tuloy pa rin naman at nasa 18 police at military personnel na ang convicted sa kasong murder at nasintensiyahan ng life imprisonment.
Dagdag pa rito ang 17 na iba pang kaso laban sa mga sibilyan na nahatulan ng parusang reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong.
Ang mga kaso naman ng 52 individuals na namatay matapos umanong manlaban sa anti-drug operations na isinagawa ng mga pulis ay naresolba na ng DOJ sa pamamagitan ng tulong ng National Bureau of Investigation.
Kabilang na rito ang mga insidente ng pagpatay sa Metro Manila, Agusan del Sur, Western Mindanao, Zamboanga del Norte, Caraga at Mimaropa.










