KALIBO, Aklan – Inaresto ng pulisya ang 27-anyos na vlogger sa bayan ng Tangalan dahil sa serye ng mga bomb threat sa iba’t-ibang paaralan sa lalawigan ng Aklan lalo na sa bayan ng Kalibo.
Ang suspek ay kinilala ni P/Lt.Col. Jerick Vargas, hepe ng Kalibo Municipal Police Station na si alyas Van Aldwin, residente ng Sitio Centro, Bgy. Tagas, Tangalan ay naaresto, umaga ng Miyerkules, Abril 15 sa pamamagitan ng warrant na ipinalabas ng Aklan Regional Trial Court.
Nabatid na simula noong nakaraang taon hanggang sa unang bahagi ng 2026 ay patuloy na nakakatanggap ng banta ng pambobomba ang mga paaralan sa pamamagitan ng isang online messaging app.
Natukoy ng mga awtoridad ang suspek sa kanyang naka-rehistrong numero ng SIM card na ginamit sa pagpapadala ng bomb threat.
Sa isinagawang operasyon, narekober sa kanyang posisyon at kontrol ang isang unit ng Samsung A02s na cellphone kasama ang SIM card na nakarehistro rin sa kanyang pangalan.
Nakatakdang imbestigahan ng Regional Anti-Cybercrime Unit 6- PNP Anti Cybercrime Group ang mga narekober na ebidensiya.
















