Patuloy ang paghikayat nina Mayor Arthur at Rep. Rida sa lahat ng mga taga San Jose del Monte (SJDM), Bulacan na magbigay pugay pa rin sa mga makabagong bayani gaya ng mga frontliners sa panahon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Rep. Robes, kailangan daw ay pasalamatan ng lahat ang sakripisyo at dedikasyon ng mga frontliners na patuloy na nagsisilbi ngayong panahon ng covid crisis.
Ito ay kahit natapos na ang pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa bansa.
“Sa kasalukuyang hamon na kinahaharap ng ating bansa laban sa COVID-19, nariyan ang ating mga bagong bayani na patuloy na lumalaban upang maging ganap ang kalayaan natin sa pandemyang dulot ng COVID-19,” ani Robes.
Una rito, sa pagsapit ng ika-122 taong Independe Day ng Pilipinas ay nag-alay ng bulaklak sa bantayog nina Dr. Jose P. Rizal (Pambansang Bayani), Dating Pangulo Ramon Magsaysay at Major Feliciano Avanceña (Gerilyang San Joseno) sina Mayor Robes at si Congresswoman Rida sa City Hall Plaza, Brgy. Poblacion I, San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan.
Kasama nila rito ang city administrator na si Dr. Dennis M. Booth.
Ang pag-alay ng bulaklak ay nagsilbing pagpupugay sa mga natatanging ambag si Rizal, Magsaysay at Avanceña sa bansang Pilipinas.
“Hindi natin dapat kalimutan ang mga sakripisyo na ginawa ng ating mga bayani upang magkaroon tayo ng kalayaan na mabuhay na maunlad at mapayapa. Dapat maging inspirasyon natin sila sa panahong ito na tayong lahat ay naapektuhan ng COVID-19,” ani Mayor Robes.
“Ipagdiwang natin ang kasarinlan ng ating bansa, sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ngayong panahon ng pandemic.
Tulad ng ating mga Bayaning nakipaglaban makamtan lamang ang ganap na kalayaan na ating tinatamasa sa kasalukuyang Panahon,” dagdag ni Robes.