Inihayag ng Philippine National Police na nananatiling normal ang sitwasyon sa lalawigan ng Negros Oriental ngayon.
Sa kabila ito ng mas mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng mga otoridad sa lugar kasunod ng pamamaslang kay Governor Roel Degamo alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay PNP-PIO chief PCol. Redrico Maranan, batay sa pinakahuling overall assessment na iniulat sa kanila ng Police Regional Office 7 ay nananatiling normal ang takbo ng pamumuhay ng mga tao sa lalawigan at tuluy-tuloy din aniya ang mga negosyo doon.
Aniya, tanging ang kaibahan lamang sa sitwasyon doon ngayon ay ang dagdag na checkpoints na itinatag ng PNP at Armed Forces of the Philippines para kontrolin ang pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Kung maaalala, nitong nagdaan na Biyernes nagsimula na ang Department of National Defense na magpadala ng mga sundalo sa Negros Island upang tugunan ang mga umano’y “lawless violence” sa lugar at gayundin ang pagbabalik ng kapayapaan sa lalawigan matapos ang madugong pamamaslang kay Degamo at walo pang ibang indibidwal.
Ito ay binubuo ng anim na Army Battalions na idineploy sa 3rd at 2nd districts ng Negros Oriental, habang mayroon din ipinadalang 50-man Light Reaction Company sa lalawigan.
Nagpatupad na rin ang Negros Oriental Provincial Police Office ng gun ban sa nasabing lalawigan.