CAGAYAN DE ORO CITY – Makakatulong ng malaki para sa Special Investigation Task Group Johnny Walker ang inilabas na reward money mula pamilya at iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno upang tuluyang malutas ang pagkapaslang sa radio broadcaster sa bayan ng Calamba,Misamis Occidental.
Ito ang reaksyon ng Police Regional Office 10 na nakatutok sa anumang pag-usad ng murder case build up na tinatrabaho ng SITG para bigyang hustisya ang pagkapaslang kay Juan Jumalon na binaril-patay habang naka-programa sa pinapatakbo nito na FM station sa lugar higit isang linggo na ang nakalipas.
Sinabi ni PRO 10 spokesperson Police Maj. Joann Navarro na bagamat prayoridad nila ang pagresolba ng kaso subalit malaking tulong na rin ang inilabas na pabuyang pera na nagkahalaga ng halos apat na milyong piso.
Una rito,mismo si Misamis Occidental Governor Henry Oaminal ang naglabas ng kalahating milyong piso na pabuya para sa mga sibilyan na at hiwalay na isang daang libong piso mula sa pamilya ni Jumalon para sa mga otoridad na makapag-aresto sa mga salarin.
Maliban pa ito sa tumataginting na tatlong milyong piso para lang sa mga pulis na makahuli sa utak ng kremin at mga galamay nito.
Kung maalala,magkahilaway rin na naglabas pabuya na tig-P100,000.00 para sa ikalulutas ng Jumalon killing ang Presidential Anti-Organized Crime Commission at Presidential Task Force on Media Security noong nakaraang linggo.