(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ng Special Investigation Task Group (SITG) Johnny Walker na ang kaugnayan sa trabaho at legal battle sa korte ang pinakamalapit na dahilan kung bakit pinaslang ang radio broadcaster ng 94.7 Calamba Gold FM na si Juan Jumalon sa Purok-2, Barangay Don Bernardo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental.
Ito ang paglalahad ni acting Misamis Occidental Provincial Police Office Director Col. Dwight Monato sa mga kawani ng media patungkol sa gumulong nang imbestigasyon ng SITG Johnny Walker upang resolbahin ang kaso ni Jumalon sa probinsya.
Sinabi ni Monato itinuring ng grupo na isang ‘break through’ ang pagkatukoy sa isa tatlong salarin bumaril-patay sa biktima dahilan na mabilis nailabas ang computer facial composite sketch batay sa enhanched CCTV footages at actual accounts ng mga testigo kahapon ng umaga.
Inihayag ng opisyal na bagamat hindi ‘hard hitting radio commentator’ sa kanyang programa si Jumalon subalit kaugnay sa trabaho niya ang pinakamatimbang na anggulo sa pangyayari.
Nailahad rin ng pamilya nito na mayroong nakaalitan sila na ilang indibidwal kung saan humantong sa pagsasampahan ng kasong krimininal sa local court.
Magugunitang nagtamo ng tama ng mga bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril ang mukha ng biktima habang inatake ito ng armadong suspek sa kasagsagan ng kanyang online program kahapon ng umaga.