Patuloy na binabantayan ng state weather bureau ang bagyong Sinlaku na inaasahang tatawaging Bagyong Caloy kapag pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong humigit-kumulang 2,745 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 150 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 185 kilometro kada oras, habang kumikilos ito nang mabagal sa northward direction.
Ayon sa ahesya, nananatili pa rin sa labas ng PAR ang bagyo kaya’t hindi pa direktang nakakaapekto sa bansa.
Dahil dito, inaasahang magiging maalinsangan at mainit ang panahon sa malaking bahagi ng Pilipinas ngayong linggo.
Gayunpaman, pinapayuhan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga abiso dahil posibleng pumasok ang bagyo sa PAR sa susunod na linggo.
Batay sa international weather trackers, ang typhoon Sinlaku ay isa nang malakas na bagyo ngunit mababa ang posibilidad na mag-landfall sa bansa.
Gayunman maaari pa ring magdulot ng pagtaas ng alon sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao kapag lumapit sa PAR.















