Lumakas sa super typhoon ang bagyong may international name na “Sinlaku” nitong Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa inilabas na 10 p.m. update ng state weather bureau sinabi nito na mino-monitor na ang bagyo sa loob ng kanilang monitoring domain, bagama’t nananatili pa rin ito sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay naman sa 8 p.m. na tala ng weather bureau, tinatayang nasa 2,680 kilometro silangan ng Eastern Visayas ang sentro ng bagyo.
Ayon sa 4 p.m. forecast ng PAGASA, ang “Sinlaku” ay may taglay na maximum sustained winds na 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 240 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang galaw ng bagyo habang nananatili itong malayo sa bansa.
















