CAUAYAN CITY- Tiniyak ng Southern Isabela College Of Arts and Trades (SICAT-TESDA) ang pagpapatuloy ng kanilang Barangayanihan bilang hakbang kasunod ng pagsuko sa pamahalaan ng mga makakaliwang grupo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Danilo Pacis ang Vocational School Administrator ng SICAT-TESDA sinabi niya na pinalakas pa nila ang Barangayanihan sa mga tukoy na Red Area sa kanilang nasasakupan kasunod ng pagsuko naman ng ilang mga kasapi ng mga makakaliwang grupo.
Kabilang sa mga naikutan ng grupo at patuloy na tinutulungan ang ilang barangay sa San Mariano, San Guillermo, Jones , San Agustin at bayan ng Echague kasama ang ilan pang kasapi ng ISAT TESDA at ilang awtoridad nang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa mga nabanggit na bayan
Ang mga opisyal ng barangay ang nagsisilbing assessor ng grupo upang matiyak na magiging maayos ang kanilang pagtuturo sa lugar na nakasentro naman sa farming courses, carpentry, driving at iba pang livelihood training program.
Dagdag pa rito may mga ipinamamahagi rin umanong starter kits ang tanggapan na pinopondohan naman aniya ng mga ibat ibang Congressional Offices sa kanilang AOR na nakakatulong umano upang makapagsimula ang mga ito o makapaghanap ng trabaho.
Ayon sa tanggapan marami na rin aniyang mga indibidwal ang kanilang natulungan at nabigyan ng mga bagong kaalaman na nagsanhi umano sa mga ito upang mamuhay ng tahimik at manghimok pa ng ibang kasamahan na magbalik sa pamahalaan.