Hugas kamay ang isa sa mga lider ng administration party na PDP-Laban sa isyu na patatalsikin umano si Senator Manny Pacquiao bilang kanilang party president.
Sinabi ngayon ni PDP-Laban vice chairman at Energy Sec. Alfonso Cusi, wala sa kanyang agenda sa kanilang pagpupulong sa darating na July 17 ang isyu sa pagpapaalis kay Pacquiao.
Lumutang ang naturang isyu nang mariing tuligsain ng Pangulong Rodrigo Duterte si Pacquiao matapos umanong sabihin ng fighting senator na halos triple raw ang korapsiyon sa administrasyon ngayon.
Giit naman ni Cusi, ang pangunahin niyang agenda sa pagtitipon nila sa susunod na buwan ay may kaugnayan sa party membership.
Gayunman aminado siya na posibleng magkaroon din ng halalan sa mga lider ng partido.
Sa kabila nito aminado si Sec. Cusi na “ill advised” at mali ang diskarte ni Pacman.
Inihalintulad pa ni Cusi na mismong si Pacquiao na raw ang “nagsusunog ng bahay o kaya tulay” na sana ay ‘wag daw isasama ang lahat.
Pinayuhan pa ng kalihim si Pacquiao na sana pag-usapan na lamang muna sa mga party leaders kung merong man itong isyu na gustong talakayin.










