Hindi naiwasan ni Sharon Cuneta na maging emosyonal din kasunod ng rebelasyon ng kanyang celebrity daughter na si KC Concepcion na dinadamdam pa rin ang pagkakaroon ng hiwalay na magulang.
Ayon sa 54-year-old Megastar, bagama’t hindi talaga maiiwasan ang paghihiwalay nila ni Gabby ay gugustuhin pa rin daw niyang ibalik sana ang panahon para protektahan ang kanyang “eldest baby girl.”
Mananatili aniya ang alaala na minsan silang naging buong pamilya at katunayan ay balak nila noon ni Gabby na magkaroon ng marami pang anak.
Ugat ng mensahe ni Sharon ay ang pahayag ng 35-year-old Megastar daughter na mayroon siyang “complex” na patunayan ang sarili para maging proud sa kanya ang mga magulang.
Naluluha kasing sambit ni KC na kapwa mayroon nang kanya-kanyang pamilya sina Sharon at Gabby at siya lang ang tila naiwan na nag-iisang anak.