Balik na bilang top contender sa NBA Finals Most Valuable Player (MVP) si Shai Gilgeous-Alexander, isang araw bago ang nakatakdang Game 5 sa pagitan ng Oklahoma City Thunder at Indiana Pacers.
Maalalang bago ang Game-4 win ng Thunder ay si Pacers guard Tyrese Haliburton ang nagsisilbing top contender habang pangalawa lamang si Shai.
Ngunit batay sa updated ranking na inilabas ng liga, muling kinikilala ang Thunder shooter bilang Finals MVP frontrunner habang tangan ang average na 32.8 points per game at 5.3 rebounds per game.
Nagsisilbi pa ring scoring leader si Shai sa nagpapatuloy na Finals series at sinusundan ng teammate na si Jalen Williams na gumagawa ng 22.3 ppg at 5.5 rpg.
Sa nakalipas na Game 4, nagawa din ni Shai na magpasok ng 15 points sa loob lamang ng 4th quarter upang dalhin ang serye sa 2-2. Ito na ang pinakamalaking 4th-quarter score ng Thunder guard sa lahat ng kaniyang sinalihang postseason games.
Samantala, pumapangalawa naman sa Finals MVP ranking ang star guard ng Pacers na si Tyrese Haliburton.
Hawak pa rin ni Haliburton ang all-around performance na 17.8 points per game, 6.0 rebounds per game, at 7.5 assist per game, habang pinapangunahan ang Indiana para iposte ang dalawang panalo ngayong Finals.
Pangatlo sa ranking si Williams habang sumusunod dito sina Indiana forward Pascal Siakam at Thunder veteran bench Alex Caruso.
Bukas, June 17, nakatakda ang G5 sa pagitan ng dalawang koponan na gaganapin sa Oklahoma.
Babalik naman sa Indiana ang G6.