-- Advertisements --

Nanindigan ang kampo ni Speaker Alan Peter Cayetano na iligal ang sesyon na isinasagawa ngayong araw ng mga kongresistang sumusuporta naman kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Nauna nang sinabi ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na 187 kongresista ang nag-commit sa manifesto na nagsasabing ipapadeklarang bakante ang Speakership post.

Ito’y para ihalal si Velasco bilang bagong lider ng Kamara sa pamamagitan ng sesyon na idaraos ngayong araw sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.

Pero ayon kay Deputy Speaker Neptali Gonzales II, iligal ito sapagkat wala pang ibinibigay na authority mula sa plenaryo na opisyal na mag-reconvene ngayong araw matapos na masuspinde ang kanilang sesyon noong hapon ng Oktubre 6.

Hindi rin aniya hawak ng kampo ni Velasco ang mace na opisyal na ginagamit at simbolo nang pagsisimula ng sesyon.

Maging si House Sgt at Arms Ramon Apolinario ay nagsabi rin na ang mace na gamit ng kampo ni Velasco sa Celebrity Sports Plaza ay hindi official.

Sinabi ni Apolinario, nasa kanyang kustodiya ang official mace ng Kamara kaya hindi lamang ang pagtitipon ng mga supporters ni Velasco ang iligal kundi maging ang mace na gamit din ng mga ito.

Nabatid na apat ang mace na nasa kustodiya ng Sargeant-at-Arms: ang replica ng mace na ginamit ni Speaker Serio Osemia noong First Philippine National Assembly; ang original mace ng Interm Batasang Pambansa; original mace ng Regular Batasang Pambansa; at ang House of Representatives mace na ginamit mula noong 1987 sa 8th Congress.