Muling nagtalaga ng panibagong officer-in-charge ng National Food Authority ang NFA Council ayon sa Department of Agriculture.
Ito ay matapos na mapabilang sa mga sinuspindeng opisyal ng naturang ahensya ang una nang OIC na itinalaga sa NFA si former Assistant Administrator for Finance and Administration Piolito Santos.
Bilang kapalit, itinalaga si DA Director IV, Larry Lacson bilang bagong OIC ng ahensya kasunod ng pag-apruba sa National Food Authority Council sa pangunguna ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel.
Ayon sa kalihim, layunin nito na tiyaking magpapatuloy at hindi maaantala ang operasyon ng ahensya sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa naturang ahensya.
Aniya, ang NFA kasi ay nagsisilbing integral part ng pagsusumikap ng pamahalaan na siguruhin ang food security ng bansa.
Si Lacson ay miyembro ng Philippine Food Expo Inc., at bago pa man ang kanyang appointment ay nagsilbi rin siya bilang co-chair man ng Agriculture at Fisheries committee ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.
Bukod dito ay dati na rin siyang nagsilbing director ng Bureau of Plant Industry.