-- Advertisements --

Nanalangin si Senadora Imee Marcos para sa proteksyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ilayo aniya ito sa “mga demonyo” sa Malacañang Palace.

“Haplusin nawa ninyo ang puso ng aking kapatid, ang Pangulo ng Pilipinas; buksan nyo ang kanyang mga mata at bigyan nyo sya ng kaliwanagan ng pag-iisip—gisingin nyo po siya at ilayo sa mga demonyong nakapaligid,” ani Marcos.

Ang panalangin ni Senadora Marcos ay sa gitna ng inilarawan ni Senate President Migz Zubiri na “Constitutional crisis” dahil sa pagsusulong ng Charter change sa pamamagitan ng people’s initiative na itinutulak umano ng pamunuan ng Kamara.

Magugunitang naghain ng manifesto ang 24 na mga Senador na kumukondena sa people’s initiative.

Nilalayon nitong amyendahan ang 1987 Philippine Constitution sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa lahat ng miyembro ng Kongreso na sama-samang bumoto sa mga iminungkahing pagbabago sa konstitusyon sa isang constituent assembly.

Nagbabala ang mga Senador na ang voting jointly sa isang constituent assembly ay hindi pahihintulutan ang mga Senador na “magsumite ng anumang makabuluhang boto laban sa 316 na miyembro ng House of Representatives.”