Umaasa ang Senado na mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang hindi maantala ang pagtalakay sa pambansang budget, mga prayoridad na panukalang batas, at iba pang imbestigasyon na tinututukan ng institusyon.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, hinihikayat nila ang prosecution at defense na paikliin ang iskedyul ng paglilitis sa pamamagitan ng pagbawas sa bilang ng trial days at mga testigong magbibigay lamang ng magkakatulad na testimonya.
Aniya, kung may mga testigong corroborative lamang ang salaysay, maaari itong bawasan upang mapabilis ang pag-usad ng paglilitis.
Binigyang-diin ni Gatchalian na bagama’t hindi maaaring diktahan ng impeachment court ang magiging estratehiya ng magkabilang panig, umaapela sila na gawing mas episyente ang presentasyon ng mga ebidensya at testigo.
Dagdag pa niya na mahalagang matapos agad ang impeachment trial dahil kasabay nito ang pagtalakay ng Senado sa panukalang 2027 national budget, mga prayoridad na panukalang batas sa ilalim ng LEDAC, at mga nakabinbing imbestigasyon tulad ng flood control projects, Tacloban school shooting, at isyu sa letter of authority ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Samantala, sinabi din ng Senate President, na ang paunang proseso at pagresolba sa mga isyung naiwan sa pre-trial conference ang inaasahang tututukan sa pagbubukas ng impeachment trial ni Duterte ngayong Lunes.
Sinabi ni Gatchalian na magbibigay muna ng opening statements ang House prosecution panel at ang defense panel bago resolbahin ng impeachment court ang ilang usaping inihain sa pre-trial conference at sa inilabas na pre-trial order.
Hindi muna aniya niya nais pangunahan ang magiging desisyon ng senator-judges sa mga isyung ito, kabilang ang usapin sa selyadong kahon ng mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), na nananatili pa ring nasa kustodiya ng Senado.
Ayon kay Gatchalian, inaasahang sa Martes pa magsisimula ang aktuwal na presentasyon ng mga testigo at ebidensya sa impeachment court.
Habang, napagkasunduan na rin umano ng prosecution at defense na maaaring gamitin ang Filipino, English at Taglish sa pagdinig upang mas madaling maunawaan ng publiko ang takbo ng paglilitis.
















