-- Advertisements --
image 48

Sisimulan na ng Senado ang paggisa sa mga concerned transport at aviation officials upang magpaliwanag sa nangyaring airport shutdown noong mismong araw ng Bagong taon.

Ayon kay Senate Committee on Public Services chairwoman Grace Poe, maaari silang magsagawa ng mga pagdinig kahit pa naka-break ang mga mambabatas.

Inanunsiyo din ni Senator Poe na isasagawa ang unang pagdinig sa naturang isyu sa Enero 12 na mahigit isang linggo pa bago ang pagbabalik ng regular session ng Senado sa Enero 23.

Una ng pinalutang ng mambabatas ang planong pagsasagawa ng inquiry sa mga concerned officials ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kasabay ng pagbabalik sa normal ng operasyon ng mga paliparan sa bansa upang wala ng dahilan ang mga key executives na hindi makadalo sa mga pagdinig.

Inihayag naman ni Senator Risa Hontiveros na dapat ding talakayin sa isasagawang Senate probe ang alegasyon ng pag-divert umano ng pondong P13 billion na nakalaan sana para sa modernisasyon ng communications, navigation, surveillance and air traffic management system (CNS/ATM) ng Civil Aviation Authority of the Philippines subalit napunta lamang sa “cosmetics projects” sa ilalim ng termino noon ni dating Transportation Secretary Arthur Tugade.

Subalit nauna na ring itinanggi ni Tugade ang naturang alegasyon.

Una rito, nasa limang Senate resolution na ang inihain para imbestigahan ang naturang insidente.