
Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado sa Agosto 9 para imbestigahan ang matagal ng problema sa baha sa bansa.
Ito ay sa layuning makabuo ng komprehensibong master plan na pagsamahin ang mga flood control program sa mga rehiyon sa bansa.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, magsasagawa ang kapulungan ng inquiry, in aid of legislation, sa mga plano ng pamahalaan para maprotektahan ang mga residente sa Metro Manila at sa iba pang vulnerable provinces mula sa mga pagbaha.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang Senador sa malubhang baha na nakaapekto sa mga barangay sa kaniyang home province sa Bulacan.
Aniya, kanilang gigisain ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways dahil sa kabiguang masolusyunan ang pagbaha sa kabila pa ang inilaang pondo para sa flood control ngayong taon na nasa P182 billion.
Nakakadurog aniya ng puso malaman na mayroong flood control programs subalit lubog pa rin sa baha ang probinsiya.
Kaugnay nito, ipinanukala ng mga Senador ang isang integrated master plan sa buong bansa na magpapabilis sa flood control programs sa mga bahaing mga rehiyon sa bansa.
Aniya, sang-ayon si PBBM na magkaroon ng major flood control master plan kung saan magiging parte ng mandato sa panukalang Department of Water Resource Management ang hakbang na tutugon sa El Nino phenomenon gaya ng nabanggit ng Pangulo sa kaniyang Ikalawang SONA.










