SEN SOTTO NAGMUNGKAHI NG IISANG IMBESTIGASYON SA NANGYARING SHOOTING SA SENADO
Iminungkahi ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na ilipat sa “Committee of the Whole” ang imbestigasyon sa naganap na putukan sa Senado noong Mayo 13 upang lahat ng senador ay makalahok sa iisang pagdinig.
Ayon kay Sotto, hindi lamang ito usapin ng majority o minority dahil buong Senado ang apektado ng insidente, lalo na pagdating sa seguridad at integridad ng institusyon.
Ang mungkahi ay lumabas matapos ang emosyonal na palitan sa plenaryo, kabilang ang naging reaksiyon ni Sen. Pia Cayetano sa pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na tila “parang walang nangyari” matapos ang insidente.
Nilinaw naman ni Hontiveros na ang kanyang pahayag ay tumutukoy sa naging tugon ng Senado bilang institusyon at hindi sa takot at emosyon ng mga taong direktang naapektuhan ng insidente.
Sinabi naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na pag-uusapan pa ng mga senador ang mungkahi bago magpasya kung magkakaroon ng pinagsamang imbestigasyon. (Report by Bombo Jai)
















