-- Advertisements --

Sumailalim sa heart procedure ang dating action star at ngayon ay mambabatas na si Sen. Robinhood “Robin” Padilla.

Ayon sa kaniyang asawang si Mariel Rodriguez, ginawa ang procedure sa Muntinlupa City.

Pero agad naman nitong pinawi ang pangamba ng publiko sa kalagayan ng senador, dahil nasa maayos na kondisyon na umano ito.

Matatandaang noong Hunyo lamang ng taong ito, nakaranas din ng panghihina ang mambabatas kaya ito nawalan ng malay habang nasa Spain.

Hindi naman sinabi ng aktres kung may kaugnayan ang nangyari kay Padilla sa Espanya at ang bagong development ngayon sa kalusugan ni Sen. Padilla.

Bago ito, muli ring naging laman ng balita ang senador dahil sa pagkairita nito sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA), dahil sa isyu ng pagtugon sa sitwasyon sa West Philippine Sea.

Si Padilla ang kasalukuyang chairman ng Senate committee on constitutional amendments para sa 19th Congress.