Mariing kinondena ni Senator Robin Padilla ang 14 na taong gulang na isa sa mga suspek sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 23.
Sa isang Facebook post noong Hulyo 1, sinabi ng senador na maituturing umanong “utak kriminal” ang binatilyo.
Tinanong din niya kung paano maituturing na menor de edad ang pag-iisip ng suspek batay sa umano’y paraan ng pagpaplano at pagsasagawa nito ng krimen.
Ginawa ni Padilla ang pahayag kasunod ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa insidente, kung saan ibinahagi ng tiyahin ng suspek na si Police Staff Sergeant Arla Ray Paciencia na pangarap umano ng binatilyo na maging pulis.
Matatandaang sa imbestigasyon ay lumabas na ang service firearm ni Paciencia ang ginamit sa pamamaril, na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng dalawampung iba pa.
Sa pagdinig, sinabi ng pulis na ang baril ay nakalagay sa isang naka-lock na plastic locker sa loob ng isang gun box, at siya lamang umano ang may hawak ng mga susi ng bahay at ng lalagyan ng baril.
Samantala, nanawagan din si Padilla na pabilisin ang aksyon ng Senado sa usapin. Ayon sa senador, hindi na dapat patagalin ang mga pagdinig upang agad na makapagpatupad ng mga hakbang na makatutulong sa pagprotekta sa buhay at kinabukasan ng mga kabataan.
















