Kinuwestiyon ni Senator Raffy Tulfo ang kredibilidad ng 18 dating bodyguard ni dating kongresista Zaldy Co sa isinagawang consultative meeting ng Senate Blue Ribbon Committee noong Hunyo 8, kasabay ng kanyang pagtutol sa pagtawag sa grupo bilang “18 marines” at “mga bayani.”
Ayon kay Tulfo, tila may panlilinlang umano sa paggamit ng bansag na “18 marines” dahil hindi naman lahat ng miyembro ng grupo ay dating kasapi ng Philippine Marines.
“Simulang-simula pa lang na tinawag silang 18 marines, may panlilinlang na agad. ‘Yung bansag na 18 marines ay isang paraan upang pabanguhin sila sa publiko,” ani Tulfo.
Ipinaliwanag pa niya na mataas ang pagtingin ng publiko sa mga Marines, ngunit aniya, mahigit kalahati umano sa mga ito ay hindi nagtapos nang marangal sa serbisyo militar.
“Hindi naman po silang lahat ay dating marines. At mahigit kalahati sa kanila ay discharged without honors or dishonorably discharged from service for various offenses,” dagdag niya.
Nagbabala rin ang senador sa kanyang mga kasamahan sa Senado laban sa pagbibigay ng titulong “bayani” sa mga indibidwal na sangkot sa mga kontrobersyal na alegasyon.
“Putting them on a pedestal. Dahil hindi naman talaga totoo because that will be a reflection of you,” aniya.
Tinukoy din ni ng senador ang pag-amin umano ng ilan sa grupo na naghatid sila ng mga kickback sa iba’t ibang personalidad, dahilan upang tawagin niya silang bahagi ng isang sindikato.
“Tatawagin mo ang mga taong umamin naman na nag-deliver ng mga kickback sa kung sinu-sinong poncio pilato. So therefore, matatawag silang sindikato. So kung tatawagin mong bayani ang isang sindikato, sindikato ka rin,” pahayag pa ng senador.
Bukod dito, pinagdudahan din ni Tulfo ang pahayag ng grupo na nakatanggap umano sila ng mga iPhone 16e noong 2024 bilang kapalit ng kanilang pananahimik kaugnay ng umano’y flood control cash-delivery scheme.
Ayon sa senador, lumalabas na hindi tugma ang kanilang pahayag dahil ang naturang modelo ng smartphone ay inilabas lamang para sa pre-order noong 2025.
Nagtaas din siya ng tanong hinggil sa sinasabing money changer sa Makati kung saan umano ipinapalit sa US dollars ang bahagi ng mga pondong sangkot sa alegasyon.
“Aking pinasilip ang lugar na iyon sa Makati at tila walang record ng money changer sa Pearlbank Building. Dapat makumpirma ito,” aniya.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ni Tulfo na tila nahihirapan umano ang mga testigo na ikuwento ang kanilang sariling bersyon ng mga pangyayari at may posibilidad na may ibang taong nagtuturo o nagsusubo sa kanila ng impormasyon.
















