Nakauwi na mula sa ospital si Senator Robinhood “Robin” Padilla matapos itong sumailalim sa isang heart procedure sa Asian Hospitala sa Muntinlupa City noong Sabado, October 1, 2022.
Sa isang statement ay sinabi ng team ni Sen. Padilla na sa ngayon ay patuloy ang kaniyang pagpapagaling sa kanilang tahanan ngayong weekend at inaasahan naman na muli itong magbabalik sa kaniyang trabaho at normal na routine sa lalong madaling panahon.
Sa bukod na pahayag naman ay ibinahagi ng kaniyang asawang actress-host na si Mariel Rodriguez-Padilla ang mala-roller coaster na emosyong kaniyang nararamdamang pagkatapos ng matagumpay na heart procedure na isinagawa sa kaniyang asawa.
Dito ay ipinahayag din niya pasasalamat sa lahat ng mga doktor at nurse sa Asian Hospital at Cardinal Santos Medical Center na nagsagawa ng procedure sa kaniyang asawa.
Bukod dito ay nagpaabot din ng lubos na pasasalamat ang team ni Sen. Padilla sa lahat ng nanalangin para sa kaniyang mas mabilis na paggaling.