Muling nagbitaw ng matitinding pahayag si Senator Imee Marcos laban sa administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA-White planes nitong Martes, Hunyo 30.
Sa kanyang talumpati, inilarawan ng senador ang kasalukuyang pamahalaan bilang isang “gobyernong tulog” at umano’y “lasing sa kapangyarihan,” habang binigyang-diin ang sitwasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
“Kasuklam-suklam ang gobyernong manhid! Manhid at walang pakialam sa hirap ng ating mga magsasaka at mangingisda, mga sektor na nagpapakain sa atin na halos walang makain. Gobyernong tulog, lasing sa kapangyarihan,” ani Sen. Imee.
Tila hindi rin umano pinakikinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga ordinaryong mamamayan.
“Wala silang pakialam. ‘Pagkat itong gobyerno ay bangag,” dagdag pa ng senador.
Kinuwestiyon din ng kapatid ng pangulo ang nakatakdang working visit ni Marcos Jr. sa Canada mula Hulyo 1 hanggang 4, at iginiit na dapat ay mas inuuna ng administrasyon ang mga suliranin sa loob ng bansa, kabilang ang mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
“Sadyang pipiliin pang bumiyahe, makihalubilo sa Canada, sa mga dayuhan sa Amerika habang ang mga Pilipino ay nagdurusa sa gasolinang hindi abot-kaya, pagkaing ginintuan, at napakahirap na buhay,” pahayag niya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hayagang binatikos ng senadora ang administrasyon ng kanyang kapatid. Sa mga nakalipas na buwan, ilang ulit na rin siyang naghayag ng kritisismo sa ilang polisiya ng pamahalaan.
Samantala, wala pang pahayag ang Malacañang hinggil sa pinakahuling mga akusasyon ng senador.
Kaugnay nito, dumalo rin sa naturang pagtitipon si dating Senate President at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na kalaunan ay humingi ng paumanhin sa mga naapektuhan ng pagsisikip ng trapiko dulot ng rally.
















