-- Advertisements --

Mahigpit na pinaalalahanan ni Sen. Bong Go ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gawing prayoridad at tiyakin ang delivery ng iba’t ibang government social services sa mga mahihirap at vulnerable sectors ng bansa.

Sinabi ni Sen. Go na isa sa mga Vice Chairpersons of the Senate Finance Committee, suportado nito ang panukalang budget para sa DSWD at iginiit ang kahalagahan ng ahensya at ginagawa nitong pamamahagi ng critical social services sa mga Pilipino sa buong bansa.

Sa panukalang P171.221 billion para sa 2021 budget ng DSWD, hinikayat ni Sen. Go ang mga opisyal nito na tiyaking bawat piso ay mapupunta sa mga higit na nangangailangan lalo sa panahon ng matinding pagsubok.

Nagpasalamat naman ito sa DSWD sa pagsisikap nitong ma-facilitate ang pamamahagi ng COVID-19 cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa buong bansa.

“Nagpapasalamat ako sa DSWD sa inyong effort na maipaabot ang tulong ng gobyerno sa mga tao sa pamamagitan ng Social Amelioration Program o ‘yung SAP habang tayo ay nasa gitna ng pandemya. Kahit medyo matagal at mahirap ang disbursement dahil sa pandemic, siguraduhin po natin na mabigyan ng prayoridad at unahin ang mga mahihirap at vulnerable sectors,” ani Sen. Go.