Mariing kinondena ni Senator Sherwin Gatchalian ang panibagong insidente ng hazing sa loob ng Philippine National Police Academy (PNPA), kung saan tatlong kadete ang inaresto matapos umanong pagmalupitan ang 20 nilang underclassmen.
Ipinahayag ng senador ang kanyang matinding pagkadismaya dahil ang institusyong inaasahang huhubog sa mga susunod na tagapagpatupad ng batas ay nagiging pugad umano ng mga mismong lumalabag dito.
Kinwestiyon din ng mambabatas kung paano mapagkakatiwalaan ang kapulisan kung sa loob pa lamang ng akademya ay mayroon nang nagaganap na pang-aabuso.
Giit ni Gatchalian, na isa sa mga may-akda ng batas kontra-hazing, dapat patawan ng kaukulang parusa ang mga suspek sa ilalim ng Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018.
Nananawagan din siya sa pamunuan ng PNPA na tuldukan na ang kultura ng karahasan sa kanilang hanay.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nadiskubre ng mga awtoridad ang nasabing insidente sa barracks ng akademya sa Camp General Mariano Castañeda sa Silang, Cavite, noong madaling araw ng Abril 3.
















