
Ibinunyag ni Senato Ronald “Bato” dela Rosa na magsisilbing legal counsel niya si Senator Francis Tolentino sakaling arestuhin ito sa ibang bansa ng International Criminal Court-member countries.
Bagamat hindi kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas ang hurisdiksiyon ng ICC sa bansa, ipinaliwanag ni Dela Rosa na pinaghahandaan lamang nito ang posibilidad na pag-isyu ng ICC ng warrant of arrest sakaling ito ay bumiyahe sa ibang bansa.
Nitong Miyerkules, inamin ni Sen. Tolentino na tinanggap niya ang request ni Sen. Dela Rosa na maging kaniyang legal counsel sa lahat ng posibleng proceedings kaugnay sa imbestigasyon ng ICC sa kampaniya kontra iligal na droga o war on drug sa ilalim ng Duterte administration.
Ayon kay Sen. dela Rosa na matagal na niyang hiniling ito kay Sen. Tolentino subalit dahil sa pursigido aniya ngayon ang ICC na imbestigahan ang drug war sa nagdaang administrasyon ay tinanggap ito ni Sen. Tolentino.
Pinili umano ni Sen. Bato si Sen. Tolentino dahil sa international criminal law background nito at eligibility para mag-practice ng law sa iba’t ibang bansa.
Sa kabila ng mga kaso ng pang-abuso, iginiit ni Sen. Dela Rosa na kung mabibigyan siya ng ikalawang pagkakataon hindi nito babaguhin ang anti-drug war strategy ng nakalipas na administrasyon dahil wala naman aniyang marching orders sa mga kapulisan para pumatay ng sinuman sa kaniyang termino noon bilang PNP chief.










