-- Advertisements --

Naghain si Senator Jinggoy Estrada ng petition for bail o hiling na makapyansa sa Sandiganbayan Fifth Division kaugnay ng kaniyang kasong plunder.

Humihiling ang mambabatas ng pansamantalang kalayaan para sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y korapsyon at kickback scheme sa mga flood control projects. Matatandaang nag-ugat ang kaso sa alegasyong nagkamal siya ng nakaw na yaman na nagkakahalaga ng ₱573 milyong piso.

Ginawa ni Estrada ang paghahain ng pormal na aplikasyon para sa piyansa matapos ibasura ng Sandiganbayan noong Hulyo 24, 2026 ang kaniyang naunang mosyon para sa fix bail.

Sinabi noon ng anti-graft court na “premature” o masyadong maaga ang nauna niyang mosyon. Ayon kay Associate Justice Gener Gito, hindi maaaring magtakda ng halaga ng piyansa ang korte hangga’t hindi naghahain ng pormal na aplikasyon at hindi pa napatutunayan sa isang pagdinig na mahina ang ebidensya laban sa kaniya.

Sa kaniyang bagong petisyon, iginiit ng kampo ni Estrada na walang matibay na ebidensya ang prosekusyon na nagpapatunay na siya ay nakipagsabwatan sa kaniyang kapwa-akusadong si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at iba pang co-accused upang magkamal ng naturang halaga.

“The rationale is that, if evidence of guilt is strong, the accused has a greater incentive to flee. On the other hand, if the evidence of guilt is not strong, there is little risk of flight, and the accused is entitled to bail as a matter of right,” nakasaad sa mosyon ni Estrada.

Kaugnay nito, umaasa ang senador na agad na papayagan ng Sandiganbayan na makapag-piyansa siya ng halagang itatakda ng korte at ipag-utos ang kaniyang paglaya.