-- Advertisements --

Pinayagan ng Sandiganbayan Second Division ang pagbawi o withdrawal ni Senador Jinggoy Estrada sa kaniyang mosyon na humihiling ng furlough o pansamantalang paglaya mula sa piitan upang makadalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Dahil dito, ang utos ng korte na nag-aatas sa prosekusyon na magsumite ng komento ay opisyal nang binawi at idineklarang moot and academic.

Ayon sa manifestation na inihain ng kampo ni Estrada, nagkaroon ng pagkakamali dahil ang mosyon ay naipasa sa Second Division sa halip na sa Fifth Division ng Sandiganbayan.

Ang Fifth Division ang may hurisdiksyon sa kaniyang kinalalagyang piitan dahil ito ang humahawak sa kaniyang non-bailable na kasong plunder hinggil sa anomalya sa flood control projects.

Bagaman nagpiyansa si Estrada ng ₱90,000 para sa hiwalay na kasong graft sa ilalim ng Second Division, nananatili siyang nakadetene sa New Quezon City Jail sa Payatas dahil sa plunder case sa Fifth Division.

Kasalukuyang sumasailalim si Estrada sa 90-day preventive suspension na ipinatupad ng Senado simula noong Hunyo 22.

Ayon sa liderato ng Senado, ang suspensiyon bilang senador ay nangangahulugan ding hindi siya maaaring umupo bilang senator-judge sa nagpapatuloy na impeachment trial ni VP Sara Duterte habang umiiral ang kautusan.