Inihayag ng nagbabalik na Senador na si Francis ”Chiz” Escudero na ang kanyang 20 priority legislation sa ilalim ng 19th Congress ay kinabilangan ng panukalang amyendahan ang 31-anyos na Republic Act (RA) No. 7160, o ang Local Government Code of 1991, sa hangaring palakasin ang awtonomiya ng mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng mas rationalized system ng decentralization.
Upang suportahan ang awtonomiya ng mga LGU, naghain si Escudero ng hiwalay na panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang “anumang anyo ng panghihimasok” ng pambansang pamahalaan sa paggamit ng national tax allotment—na dating tinatawag na Internal Revenue Allotment (IRA)—at iba pang locally generated revenues.
Sinabi ng beteranong mambabatas na ang paghahain ng kambal na mga panukalang batas na ito ay bahagi ng kanyang pangako sa kampanya na maging “boses ng mga LGU” sa Senado sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga LGU ay tunay na binibigyang kapangyarihan at nagsasarili bilang mandato sa 1987 Constitution at RA 7160.
Kabilang sa mga pag-amyenda sa Local Government Code na iminumungkahi ni Escudero ay ang “effective na alokasyon sa iba’t ibang local government units (LGUs) ng kani-kanilang kapangyarihan, tungkulin, responsibilidad, at resources na independyente sa anumang paghihigpit mula sa mga pambansang ahensya.
Iminungkahi rin niya ang pagtatatag sa bawat LGU ng isang “independent, accountable, efficient, and dynamic organizational structure and operating mechanism na tutugon sa mga priority na pangangailangan at mga kinakailangan sa serbisyo ng mga komunidad nito”.