-- Advertisements --

Nanawagan si dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers sa Department of National Defense, Philippine Navy at Philippine Coast Guard na agad beripikahin at mahigpit na bantayan ang naiulat na presensya ng apat na barkong pandigma ng China malapit sa Hilabaan, Eastern Samar.

Ayon kay Barbers, batay sa nakuhang impomasyon, kabilang sa mga namataang barko ang dalawang Luyang III-class guided-missile destroyer at dalawang Jiangkai II-class frigate.

Binigyang-diin ni Barbers, na hindi dapat balewalain ang presensya ng mga ito dahil may kakayahan ang naturang mga barko sa air defense, long-range strike at anti-submarine warfare.

Hiniling niya sa mga awtoridad na tukuyin kung nasaan ang mga barko, saan patungo at ano ang kanilang ginagawa, pati na kung naaayon sa international law ang kanilang operasyon.

Iginiit ni Barbers na hindi nangangahulugan ng provocation ang pagiging mapagmatyag. Aniya, kailangang malaman ng Pilipinas ang anumang aktibidad ng mga dayuhang barkong pandigma malapit sa teritoryo at karagatan nito.

Dahil dito, muling itinulak ni Barbers ang pagtatayo ng naval installation sa Surigao del Norte sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) upang palakasin ang seguridad sa silangang bahagi ng bansa.

Sa kasalukuyan, may siyam na itinalagang EDCA sites sa Pilipinas.

Ito ang mga sumusunod: Basa Air Base (Pampanga); Fort Magsaysay Military Reservation (Nueva Ecija); Lumbia Airport / Air Base (Cagayan de Oro); Antonio Bautista Air Base (Puerto Princesa, Palawan); Benito Ebuen Air Base (Cebu); Naval Base Camilo Osias (Sta. Ana, Cagayan) Lal-lo Airport (Cagayan) Camp Melchor dela Cruz / Aquino (Gamu, Isabela); at Balabac Island (Palawan).