Nagbabala si Senador Erwin Tulfo na maaari niyang ipahuli ang sinumang senador na magsasagawa ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nang walang pahintulot mula sa kanya, dahil siya umano ang lehitimong chairman ng komite.
Ginawa ni Tulfo ang pahayag kasunod ng isinagawang pagdinig ng Cayetano bloc noong Hunyo 4, kung saan pinangunahan nina Senator Pia Cayetano at Senator Rodante Marcoleta ang naturang hearing.
Maaalalang tumestigo ang ilang dating miyembro ng Philippine Marines at inakusahan ang ilang pulitiko at indibidwal na tumanggap umano ng mga male-maletang pera. Kabilang sa mga pinangalanan si senator Erwin Tulfo at dating Senate President Vicente ”Tito” Sotto III.
Mariing itinanggi ito Tulfo at iginiit na walang sapat na ebidensiyang sumusuporta sa paratang ng mga dating sundalo. Aniya, naghahanda na siyang magsampa ng kasong libel laban sa mga dating nagpakilalang bag man ni dating Ako Bicol-Party List Rep. Elizaldy ”Zaldy” Co.
Tinawag din ni Tulfo sa isang panayam na isang “sham hearing” o pekeng hearing ang ginawa ng paksyon ni Cayetano. Giit ng senador, hindi ito awtorisado ng kasalukuyang leadership ng Senado at hindi rin umano sumunod sa rules ng Blue Ribbon Committee.
Kasabay nito, nagbanta pa si Tulfo na hindi niya papayagan ang anumang katulad na ginawang pagdinig sa hinaharap at muling iginiit na kung hindi maaaresto ay kanya niya itong kakaladkarin palabas ng plenaryo.
“I don’t care kung dati kang Senate President, dati kang Speaker of the House…talagang papahuli kita. Kung hindi papahuli, kung ayaw ng OSAA, bibitbitin kita, kukwelyuhan kita, palalayasin kita diyan sa floor na ‘yan,” saad ni Tulfo.
Hinamon din ni Tulfo ang mga nag-aakusa sa kanila na magsumite ng konkretong ebidensiya sa Office of the Ombudsman kung nais nilang patunayan ang kanilang mga paratang.
Nakatakda namang magsagawa ng opisyal na pagdinig ang Blue Ribbon Committee sa Lunes, Hunyo 8, kung saan inaasahang iimbitahang muli ang mga dating sundalo upang magbigay ng kanilang testimonya sa ilalim ng itinakdang proseso ng komite.
















