-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Naghigpit na ng seguridad sa Isla ng Boracay para sa nakatakdang pagsisimula ng 3rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Digital Ministers Meeting.

Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office (APPO) na patuloy ang kanilang pakikipagpulong sa kaukulang ahensiya ng pamahalaan upang mabantayan ang mga lugar na maaring daanan ng delegasyon.

Wala pa aniyang ibinigay ang host agency na Deparment of Information and Communications Technology (DICT) ng ensaktong bilang ng mga dadalong foreign at local delegates gayundin ang venue na pagdadausan ng komperensiya.

Pinag-uusapan na rin ngayon ng Malay Municipal Police Station sa pangunguna ng kanilang hepe na si P/Lt. Col. Don Dicksie de Dios ang bilang ng karagdagang pulis at sundalo na ipapakalat sa iba’t-ibang bahagi ng isla para sa ASEAN meeting na magsisimula sa Pebrero 6 hanggang 10 ng kasalukuyang taon.

Nakatakda namang i-activate ang multi-agency coordinating center para ma-monitor ng mabuti ang kaligtasan at seguridad ng mga delegado.

Nabatid na ang event ay dadaluhan ng Information and Communications Technology Ministers and Government leaders ng mga ASEAN member states na naglalayong makagawa ng mas malakas na collaboration para sa mas mabuti at mas sustainable na digital future.