-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Asahan nang lalo pang magiging mahigpit ang seguridad sa Boracay bukas sa gaganaping sariling bersyon ng Ati-Atihan festival sa isla, ayon sa Malay Municipal Police Station.

Sa bisperas ng festival ngayong araw ng Sabado, nagpakalat na ng mga police personnel kasama ang mga force multiplier sa mga mataong lugar na pagdadausan ng mga event kagaya ng front beach.

Sa ilalim ng Resolution No. 127 Series of 2015 ng bayan ng Malay kung saan makikita ang Boracay, idinideklarang ang selebrasyon ay gaganapin tuwing ikalawang linggo ng Enero.

Ang Ati-Atihan de Boracay ay sinisimulan ng fluvial parade ng imahe ni Sto. Niño sa baybayin ng isla na susundan ng misa sa Parish of the Most Holy Rosary sa Balabag Plaza.

Marami sa mga residente at turista ay nagpapahid ng uling sa buong katawan upang magmukhang katutubong Ita habang ang iba ay nakasuot ng makukulay na costume upang makalahok sa mga tribu at grupong sumasayaw sa tunog ng mga tambol at iba pang musical instruments sa puting buhangin sa gilid ng dagat.

Ang Ati-Atihan sa isla ay isa sa mga tourist attractions tuwing buwan ng Enero.