Napag-alaman ng Bureau of Immigration (BI) na isa sa kanilang mga security guard na umano’y sangkot din sa kontrobersiyal na pastillas scheme ay mayroong milyon-milyong halaga ng ari-arian.
Ayon kay Jun Donggalio, hepe ng NBI Special Action Unit, nabatid ng kanilang grupo na idineklara ng nasabing guard ang kaniyang total assets na aabot sa P14.12-million sa kaniyang statements of assets, liabilities, at net worth (SALN) noong 2018.
Nakasaad din dito na nakabili siya ng bahay na nagkakahalaga ng P4.5 million at mayroon din itong mga alahas at dalawang sasakyan. Sa isang taon naman ay walong beses itong nagpupunta sa bansa, tulad ng Japan, United States at Europe.
Imposible aniya na magkaroon ng ganito kalaking halaga ng ari-arian ang isang security guard na may salary grade 4 o 5. Ibig sabihin nito, aabot lamang ng P8,000-P10,000 ang sahod ng security guard kada buwan
Hindi raw nito maiwasang isipin na dawit ang guard sa pastillas scheme dahil sa malaking halaga na kaniyang idineklara sa SALN at hindi umano justifiable.
Aabot naman ng halos P300,000 ang idineklarang networth noong 2015 ng isang immigration officer, pero tumalon ito ng P1.4 million noong 2016 hanggang sa tumaas pa ng P5 million noong 2018.
Nangyari ang biglang pagtaas net worth nito sa kasagsagan ng pastillas scheme.
Saad ni Dongalio, malinaw na makikita ang discrepancy sa halos P1.2 million na nadagdag sa total assets nito lalo na’t aabot lamang daw ng P20,000 ang sahod nito buwan-buwan.
Malaki rin aniya ang maitutulong ng SALN upang maging parte ng ebidensya sa kanilang imbestigasyon hinggil sa pastillas case.
Aabot ng 20 matataas na opisyal ng BI ang ang sumailalim na sa lifestyle check at nakatakdang sampahan ng kaso dahil sa naturang tiwaling gawain.
Inaasahan naman na sa huling linggo ng Oktubre o unang linggo ng Nobyembre ay sasampahan na ng NBI ng kaso ang second batch ng mga tiwaling opisyal.