Nagbabala si Transportation Secretary Banoy Lopez sa mga tiwaling tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) at ipinag-utos ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga paliparan kasunod ng ulat ng pagnanakaw sa mga pasahero.
Ang nasabing hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking tapat ang serbisyo ng mga airport personnel, lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero mula sa mga lalawigan at ibang bansa.
Kasabay nito, agad na ipinag-utos ni Lopez ang pagtanggal sa pwesto sa dalawang Security Screening Officers (SSO) at isang supervisor sa NAIA Terminal 3 habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ang nasabing mga opisyal ay nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo kaugnay ng nawawalang P7,000 at NTD 1,000 (New Taiwan Dollars) mula sa isang pasaherong Australian kamakailan.
Sinabi ni Lopez, sakaling mapatutunayan na may mga OTS Security Screening Officers na nangunguna sa paglabag sa batas, kabilang ang pagnanakaw ng gamit o pera ng pasahero, tiyak na may kalalagyan ang mga ito at mananagot sa batas.
Ayon sa kalihim, malaki ang responsibilidad ng mga SSO na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at pigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na kargamento, kaya hindi katanggap-tanggap ang anumang bahid ng korapsyon.
Pinaalalahanan din ni Lopez ang mga pasahero na agad iulat ang anumang kahina-hinalang galaw ng mga tauhan ng paliparan. Pinayuhan din niya ang publiko na iwasang magdala ng mga kontrabando upang hindi na kailanganin pang buksan ang kanilang mga bagahe.
















