Hindi pinalampas ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon si Health Sec. Francisco Duque III ang hindi pagdalo ng kalihim sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development.
Patungkol sana ang hearing sa mga hakbang na ginagawa ng Department of Health (DOH) laban sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD).
Sa halip kasi na dumalo sa pagdinig, sinabi ni Biazon sa kanyang manifestation na papunta ang kalihim nitong umaga sa Nueva Ecija para magsagawa ng inspeksyon sa isang proposed containment facility doon.
Pero iginiit ni Biazon na dapat alamin ng kalihim ang mga prayoridad nito ngayong nahaharap sa krisis ang bansa dahil sa banta ng outbreak ng 2019 n-cov ARD.
Napuna rin nito ang naging pahayag ni Duque sa pagdinig naman ng Senado kahapon kung saan sinabi ng kalihim na hindi na niya dapat pinoproblema pa ang trabaho ng mga nasa kanyang baba.
Ayon kay Biazon, dapat dumalo si Duque sa pagdinig ng Kamara nitong araw para masagot ang kanilang mga katanungan.
Makakatulong aniya sana ang ganitong paraan para mapataas ang kumpiyansa ng publiko na may ginagawa talagang mga hakbang ang pamahalaan laban sa 2019 n-cov ARD.
















