Hindi pa inirerekomenda ng Incident Management Team (IMT) na itigil ang search and retrieval operations sa bumagsak na Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Usec. Ricardo Jalad, kaniyang sinabi na nagpapatuloy ang search, rescue and retrieval operations sa lugar.
Ayon pa kay Jalad, ang IMT na pinangungunahan ng alkalde ang siyang magsusumite ng rekomendasyon kung may pangangailangan nang itigil ang operasyon.
Sa ngayon, ang ginagawang effort ng mga rescuers ay ma-access ang third floor hanggang ground floor ng nasabing supermarket.
Pero dahil limitado ang access ng life detector test, kinailangang gumawa na ng butas mula fourth floor hanggang ground floor.
Ang second floor umano ay stock room ng supermarket.
Sa datos ng NDRRMC, lima ang patay sa naturang pamilihan, siyam ang na-rescue at walo ang missing na pawang mga customer.
Patungo naman si Jalad sa bayan ng Porac para magsagawa ng assessment hinggil sa ongoing search, rescue and retrieval operations.










