-- Advertisements --

Itinigil na ng mga awtoridad ang search and rescue operation para sa hiker na si Alkharj Zamayla na nawawala sa Mt. Kalatungan sa bayan ng Pangantucan, Bukidnon.

Nabatid na nawala si Zamayla noong hunyo 12, 2026 habang nagti-trail hiking sa bundok.

Matapos ang 11-araw na paghahanap, pormal nang tinapos ng incident management team ang search and rescue operations noong Biyernes, Hunyo 26.

Ayon sa mga awtoridad, ang desisyon ay isinagawa batay sa rekomendasyon ng incident management team na pinamumunuan ng Bukidnon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Pangantucan.

Batay sa pinakahuling report ng pulisya, ‘wala umanong natagpuang anumang palatandaan na magpapakitang nasa panganib o nasa distress si Zamayla sa naturang bundok.

Sa kabila ng pagtigil ng search and rescue operation, sinabi ng pulisya na magpapatuloy ang kanilang monitoring at pagkalap ng impormasyon kaugnay sa pagkawala ng hiker.

‘Wala pang pahayag ang pamilya ng nawawalang hiker.