-- Advertisements --

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang hiker na nawawala matapos umakyat sa Mount Kalatungan noong Hunyo 11.

Ang biktima na nakilalang si Alkharj Zamayla ay kasama ang kanyang pinsan sa isang hiking group nang sila ay maghiwalay mula sa kanilang mga kasama habang umaakyat sa bundok. Huling namataan si Zamayla noong Hunyo 12.

Bagama’t hindi pa malinaw ang eksaktong pangyayari, nakaligtas at nakahingi ng tulong ang kanyang pinsan, na siyang nagpaabot ng impormasyon sa mga awtoridad.

Kasalukuyang isinasagawa ang search and rescue operations sa apat na partikular na lugar sa kabundukan. Gayunpaman, nahihirapan ang mga rescuers dahil sa pabago-bagong lagay ng panahon at kawalan ng signal ng cellphone sa lugar.

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad habang umaasa ang pamilya at rescuers na matagpuan ang nawawalang hiker.