-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nakapagtala na ng pinakaunang Omicron variant ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang Iloilo City.

Ito ay isang 46-anyos na seafarer mula sa Kenya, residente ng Sooc Arevalo, Iloilo City at hindi bakunado.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na ang seafarer ay nagnegatibo sa RT-PCR test noong Disyembre 1 sa Kenya at lumipad papuntang Cebu noong Disyembre 15 kung saan siya nag-quarantine sa hotel.

Disyembre 19, muling nagnegatibo ang kanyang RT-PCR test at Disyembre 24 nang umuwi ito sa Iloilo City.

Ayon sa alkalde, tatlong araw sumailalim sa strict home quarantine ang seafarer at dinala sa quarantine facility.

Wala naman itong naka-close contact dahil nag-iisa lang siya sa kanyang bahay.

Disyembre 27 naman, positibo na ang resulta ng RT-PCR test ng seafarer at nakita na mababa ang kanyang cycle threshold value kaya idinaan ito sa genome sequencing.

Enero 4 nang lumabas ang resulta ng genome sequencing at napag-alaman na nagpositibo sa variant ng Omicron ang seafarer.

Sa ngayon, nananatili sa quarantine isolation facility ang seafarer at asymptomatic.