CAUAYAN CITY – Handang handa na ang Schools Division Office (SDO) Isabela sa pagbubukas ng school year 2022-2023.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Jess Antonio, Chief ng School Governance and Operations Division ng SDO Isabela na naglabas na ng DepEd Order si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio para sa school calender and activities ng 2022 -2023 School Year.
Magsisimula ang klase sa August 22, 2022 at ang enrollment ng mga batang mag-aaral ay sa July 25, 2022.
Sa July 21, 2022 ay magkakaroon ng consultative meeting ang mga school heads, mga district supevisors at mga opisyal ng SDO Isabela upang pag-usapan ang mga gagawing hakbang para sa nalalapit na enrollment at pagbubukas ng klase.
Sinabi pa ni Dr. Antonio na sakaling ipatupad ang full face to face classes ay handang-handa na ang mga paaralan sa Isabela at batay sa kanilang konsultasyon sa mga magulang ay sumasang-ayon na silang pumasok sa loob ng paaralan ang kanilang mga anak.
Mataas naman ang bilang ng mga guro at mag-aaral na nagpabakuna habang gumagawa na sila ng mga pamamaraan upang lahat ng mga mag-aaral ay mabakunahan ngunit nilinaw niya na tatanggapin pa rin sa paaralan ang mga hindi pa nabakunahang mag-aaral.
Hihikayatin nila ang mga magulang ng mga batang hindi pa nabakunahan na ipabakuna na ang kanilang mga anak upang maging kampante na mayroong panlaban sa COVID-19.