-- Advertisements --
Supreme Court

Pinaalalahanan ni Senior Associate Justice and Acting Chief Justice Marvic Leonen ang mga empleyado ng Judiciary sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI).

Ayon kay Leonen, kailangang maging maingat ang mga empleyado ng Hudikatura sa kanilang pag-share sa kanilang mga personal information at dapat gamitin lamang ang mga social media applications na may ‘trusted source’.

Ginawa ni Leonen ang paalala kasunod na rin ng pagiging papular ng photo applications gamit ang AI.

Ang naturang artificial intelligence application ay gumagamit ng digital photo ng mga netizen at naglalabas ng ‘enhanced photo’.

Ayon kay Justice Leonen, kailangang basahin at intindihin muna ng mga Judiciary emloyees ang privacy policy ng mga ginagamit na applications o software at dapat batid ng mga ito ang lawak ng paggagamitan sa kanilang mga ibinigay na impormasyon.

Babala ng Acting Chief Justice, bagaman mistulang ‘harmless’ ang paggamit nito, maaari umanong magamit ang mga litrato ng mga netizen sa paggawa ng mga pekeng accounts, na maaaring magresulta sa identity theft, social engineering, phishing at iba pang malicious activities.

Bago nito, una na ring pinagbawalan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga empleyado ng DND at AFP sa paggamit ng AI Image generator dahil sa umano’y security risk na hatid nito.