-- Advertisements --

Hinimok ng isang election lawyer ang Korte Suprema na agad nang resolbahin ang petisyong nakahain laban sa kandidatura ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang panayam ay sinabi ni immediate past president ng Philippine Bar Association na si Atty. Rico Domingo na ito ay upang mapawi aniya ang agam-agam ng taumbayan kung totoo ngang kwalipikado ang isang kandidato para sa isang posisyon.

Aniya, ang pagbibigay din kasi ng resolusyon sa naturang usapin ang siyang magpapakalma at magpapatahimik sa kaisipan ng bawat isa na tanggapin na siya na si Marcos na nga ang susunod na uupong pangulo at mamumuno sa bansa.

Samantala, binigyang-diin din naman ni Domingo na hinding-hindi mabubura ng maraming boto ang mga iregularidad o kapintasan sa kwalipikasyon ng isang kandidato sakaling may mapatunayan man.

Dahil maituturing na aniyang ligaw ang 31 mga boto para kay Marcos kung sakaling mapagdesisyunan ng mataas na hukom na kanselahin ang kaniyang kandidatura.

Ngunit hindi na aniya ito dapat pang maging kataka-taka sa mga botante at kaniyang mga taga-suporta dahil ibinoto nila siya sa pag-aakalang siya ay kwalipikado sa tinakbuhang posisyon sa gobyerno.

Matatandaan na una na ring ipinaliwanag ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia na kung sakaling pagbigyan ng Korte Suprema ang petisyong kanselahin ang kandidatura ng isang winning candidate, ay awtomatikong ang pumapangalawa sa kaniya ang ikokonsiderang panalo sa halalan kahit na pormal na siyang naiproklama ng mga kinauukulan.