-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ni Davao City Mayor Sara Duterte na nagpadala siya ng text message sa mga kongresista na humihimok sa kanila na iboto ang sinuman ang kanilang gusto para sa speakership post sa kabila ng endorsement ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte kay Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.

Ginawa ito ng alkalde matapos na ipakita naman ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang text message sa mga mamamahayag kung saan sinabi umano ng nakababatang Duterte na bumoto ang mga kongresista ayon sa kanilang kagusutuhan.

“Kaya nanawagan siya ngayon sa lahat ng mga Congressmen na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan dahil ang [kanyang] ama ay na set-up lamang ng mga gahaman na Gabinete na kaalyado ni Cayetano,” bahagi ng text message ng umano’y si Sara.

Ayon kay Defensor, ang naturang text message ay ipinaabot lamang sa kanya ng mga “newcomers” sa Kamara.

Pero sa isang statement, hinimok ni Sara si Defensor na itigil na ang pang-iintriga at isiwalat kung sino ang source ng naturang text message na ipinakita nito sa mga reporters upang kanila naman itong maberipika.

“Give us the name of the neophyte member of the House of Representatives from whom you received a text message with a supposed message coming from me. A responsible individual would have asked me if there is truth to the text,” saad ng alkalde.

Sinabi ni Sara na bago pa man ang meeting ng kanyang ama sa Malacanang kasama ang mga kandidato sa pagka-Speaker noong Lunes, matagal na raw siyang kino-contact ni Defensor sa pamamagitan ng kanyang kaibigan na abogado na si Atty. Charo Munsayac.

Ito ay para sana mabigyan ng pagkakaton si Leyte Rep. Martin Romualdez sa last minute requests nito, pero ayon kay Sara ayaw na niyang makiaalam pa sa usapin na ito.

Pagkatapos ng naturang pulong, sinabi ni Sara na muling sinubukan ni Defensor na i-contact siya.

Pero napagtanto na raw niya noong mga panahon na iyon na sinusubukan daw ni Defensor na silaban ang issue hinggil sa term sharing decision ng Pangulo.

Pag-aaralan pa raw ni House Majority Leader at Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro ang planong pagtakbo sa minority leadership sa 18th Congress.

Ito ay matapos sabihin ni Albay Rep. Joey Salceda na balak umano ni Castro na tumakbo sa naturang posisyon matapos na iendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang term sharing nina Taguig City Rep. Allan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco sa speakership race.

Sina Castro at Salceda ay kapwa tagasuporta naman ng isa pang contender sa speakership race na si Leyte Rep. Martin Romualdez, na ayon kay Pangulong Duterte ay uupong bagong Majority Leader.

Ayon kay Castro, may ilang kongresista ang nagmungkahi na tumakbo siya sa minority leadershio para mapanatili ang isang “credible balance” ng mga opinyon sa iba’t ibang issues na kakaharapin ng Kamara.

Subalit hindi pa raw niya masasabi kung itutuloy niya ang pagtakbo sa naturang posisyon dahil na rin kakaunti lamang aniya ang pagkakaiba ng minorya at ng oposisyon.

“I will wait for guidance if I am capable of responding to this Macedonian call as part of my service to my country,” ani Castro.