Pinahintulutan ng Sandiganbayan ang pagtanggap ng 15 sets ng mga dokumento bilang ebidensiya laban sa umano’y P2.4 billion ill gotten wealth case ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. at miyembro ng kaniyang pamilya na si dating first lady Imelda Marcos at kanilang associates.
Sa resolution ng anti-graft court Fourth division, nakasaad na ang mga naturang dokumento kasama ang lahat ng sub-markings ay minarkahan bilang certified true copies ng mga orihinal na dokumento sa mga isinagawang preliminary conferences.
Kabilang sa mga bagong isinumiteng dokumento na tinanggap ng korte ay ang mga sulat, imbentaryo, technical descriptions, deeds of transfer, memos, affidavit at blank notice of waiver.
Bahagyang pinahintulutan lamang ng korte ang Motion for reconsideration sa pagtanggap ng ebidensiya dahil hindi pinapayagan ang paggamit ng iba pang sets ng mga dokumento.
Ang naturang resolution ay nilagdaan ni Associate Justice Michael Frederick Musngi, Chairperson ng Division, Associate Justices Lorifel Pahimna at Maria Theresa Mendoza-Arcega.
Matatandaan na ang kaso kaugnay sa ill-gotten wealth case o Civil Case No. 0010 ay inihain noong 1987 ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) may kaugnayan sa properties na pag-aari ng kontrobersiyal na Bataan shipyard and Engineering Company Inc. (Baseco) at mga subsidiaries nito.
Ang BASECO ay isa sa mga kompaniyang siniquester ng gobyerno mula sa yumaong dating Pang. Marcos Sr. at kaniyang cronies noong 1986.